Nais malaman ng DBM o Department of Budget and Management kung saan napunta ang pondo ng BI o Bureau of Immigration.
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, ipasasalang niya sa personal audit ng Civil Service Commission (CSC) at Commission on Audit (COA) ang mga nakolekta ng Immigration sa nakalipas na anim na taon upang alamin kung saan ito napunta.
Iginiit ni Diokno na illegal ang sobra-sobrang overtime pay na tinatanggap ng mga tauhan ng Immigration.
Nito anyang 2016, umabot sa 784 million ang nagamit ng Immigration sa overtime pay pa lamang ng mga tauhan nito.
Ibinunyag ni Diokno na halos limang beses ng kanilang regular na suweldo ang tinatanggap na overtime pay ng mga empleyado ng Immigration.
Bawal anya ito sa panuntunan ng gobyerno na hindi dapat lumampas sa limampung (50) porsyento ng suweldo ang overtime pay.
Nitong Enero, hindi inaprubahan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang paggamit sa mga nasisingil ng Immigration sa express lane para ipambayad sa overtime pay ng mga empleyado at sa halip ay inatasan ang bureau na i-remit ito sa National Treasury.
Una rito, mahigit tatlumpung (30) tauhan na ng Immigration ang nag resign at nasa limampu (50) pa ang nag-file ng leave of absence sa loob ng anim na buwan dahil sa di umano’y panggigipit ng DBM sa kanilang overtime pay.
“Lagi nilang sinasabi, iniipit ko daw yung budget release January pa, ang sabi ko mag-submit nga kayo ng request hanggang ngayon ayaw mag-submit ng request, kasi siguro ang pakiramdam nila kapag nag-submit sila ng request ibig sabihin sumu-surrender na sila sa pagbabago, pero hanggang ngayon nagmamatigas eh. I think they should realize that they are in public service, meron kang responsibilidad una sa gobyerno.” Ani Diokno
Samantala, nakabuo na mahigit siyam na raang (900) bagong posisyon sa Immigration si Budget Secretary Benjamin Diokno.
Ipinabatid ito sa DWIZ ni Diokno bilang solusyon sa problema sa suweldo at overtime pay partikular ng Immigration officers.
Sinabi ni Diokno na halos isandaang libong piso (P100,000) na kada buwan ang suweldo ng Chief Immigration officer at papalo naman sa halos limampung libong piso (P50,000) ang buwanang suweldo ng pinakamababang ranggo ng Immigration officer.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Budget Secretary Ben Diokno
By Len Aguirre | Judith Larino | Karambola (Interview)