Dinepensahan ni Office of the Vice President (OVP) spokesperson Atty. Reynold Munsayac, na hindi luho ang desisyon sa paglipat ng lokasyon ng kanilang tanggapan sa Mandaluyong City mula sa Quezon City.
Ayon kay Munsayac, marami ang hindi nakaka-alam na dalawa ang lokasyon ng OVP kabilang na dito ang Quezon City reception House sa New Manila at Ben-Lor Bldg. sa Quezon Ave kung saan, nagtatrabaho ang mga empleyado at iba pang mga opisyal.
Iginiit ng tagapagsalita na masikip at siksikan ang mga empleyado sa Ben-Lor Building at marami umanong pumapasok dito kaya mas minabuti ng bagong administrasyon na maghanap ng bagong opisina.
Sinabi pa ni Munsayac na layunin ng kanilang tanggapan na magkaroon ng efficiency upang maiwasan ang matagal na pag-iikot o pagproseso ng mga dokumento.