Nadagdagan pa ng mga libreng dorm na inilaan ng Office of the Vice President (OVP) para sa mga frontliners sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Batay sa facebook page ni Vice President Leni Robredo, binuksan na ang isang dormitoryo malapit sa Diliman Quezon City na maaaring tuluyan ng mga nagtatrabaho sa East Avenue Medical Center, Lung Center of the Philippines, Philippine Heart Center at National Kidney and Transplant Institute.
Gayundin ang dorm facility na ipinahiram ng St. Paul College Pasig Batch 96 sa maybunga pasig city na maaari namang magamit ng mga frontliners mula sa pasig general hospital at tricity medical center.
Nag-alok din ng tulong sa proyekto ng OVP ang the Oriental Hotels and Resorts kung saan binuksan nila ang kanilang mga hotels sa Legaspi City Albay, Mariveles Bataan at Tacloban City Leyte para maging pansamantalang silungan ng mga frontliners doon.
Habang maaari namang makipag-ugnayan sa OVP partner na University of the Cordilleras para sa maaaring matuluyan ng mga frontliners sa Baguio City.
Ayon sa OVP, bukas ang mga libreng dormitoryo sa lahat ng mga itinuturing ng fronliners tulad ng iba pang mga health workers, media practitioners, security guards at mga volunteers.