Posibleng buwagin ang Office of the Vice President o OVP oras na masunod ang ipinapanukalang Charter Change ng partido ng Pangulong Duterte na PDP-Laban.
Ayon kay Bayan Muna Chairman Neri Colmenares, nakatakdang buwagin ang OVP sa 2019 sakaling umabot ang pagbabago sa konstisusyon sa 2019 elections.
Maaari na rin anyang tanggalin sa pwesto si Vice President Leni Robredo at hindi na patatapusin ang kanyang termino sa 2022.
Sakali man anyang payagang manatili sa gobyerno si Robredo hanggang 2022, magsisilbi na lamang itong lame duck at wala na sa line of succession sakaling hindi na magampanan ng Pangulo ang kanyang tungkulin.
Sa ilalim ng isinusulong na Cha-Cha ng PDP Laban, pinapayagan naman nito ang Pangulong Duterte na muling tumakbo sa pagka-Presidente sa 2022 elections.
Samantala, duda ang kampo ni Vice President Leni Robredo sa motibo ng pamahalaan sa umano’y posibleng pagbuwag sa Office of the Vice President sa ilalim ng panukalang pagbuo ng bagong konstitusyon.
Ayon kay Atty. Barry Gutierrez, legal counsel ni Robredo, walumpong taon nang nakapaloob sa republika ng pilipinas ang OVP simula noong 1935 Constitution.
Aniya, ang tanging panahon na inalis ang Vise President ay noong panahon ng diktatorya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Kinuwesiton din ni Gutierrez ang kaugnayan ng umano’y pagbuwag sa OVP at pagsusulong ng federalismo bilang sistema ng pamahalaan.
–Krista de Dios