Patungo sa Calapan, Oriental Mindoro ang mga kinatawan ng Overseas Workers Welfare Adminsitration o OWWA at ang Department of Labor and Employment o DOLE para bisitahin at alamin ang sitwasyon ng mga OFW na nasalanta ng bagyong Nina.
Sinabi ni OWWA Adminisitrator Hans Leo Cacdac, kasama niya si Labor Undersecretary Joel Maglungsod at makikipagpulong sa may 100 pamilya ng mga OFW’s sa nasabing lugar para malaman ang kanilang kundisyon matapos ang nagdaang bagyo.
Pakay din ng kanilang pagbisita ang mapagkalooban ng basic package assistance na kinabibilangan ng mga relief goods at hygiene products ang mga ito.
Bagaman may koordinasyon na rin, aniya, sila sa iba pang ahensya ng gobyerno, tulad ng Department of Social Welfare and Development o DSWD, minarapat na atasan sila ni labor Secretary Sylvestre Bello na personal na alamin ang sitwasyon ng mga manggagawa sa abroad na apektado ng bagyo.
Hawak na rin anya nila ang listahan ng mga lugar ng mga OFW sa mga bayan at syudad sa iba’t ibang lalawigan na dinaanan ng bagyong Nina, para personal na malaman kung ano ang kanilang agarang mga pangangailangan.
By: Avee Devierte / Allan Francisco