Umapela ng pasensiya at pang-unawa ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga nagbalik o magbabalik bansang OFW’s simula noong Oktubre 15.
Kaugnay ito sa hinihintay na resulta ng kanilang RT-PCR test pag-uwi ng Pilipinas.
Ito ay sa gitna ng nagpapatuloy pa ring diskusyon sa pagitan ng Philhealth at Philippine Red Cross hinggil sa hindi pa nababayarang RT-PCR testing para sa mga balik bansang OFW’s.
Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, kinuha na ng IATF national task force ang tulong ng mga government laboratories para iproseso ang specimen ng mga OFW’s na isinailalim sa swabbing pagdating ng NAIA.
Pinasalamatan naman ni Cacdac ang mga national at local government laboratories sa kanilang tulong sa pagpoproseso ng PCR swab specimen ng mga balik-bansang OFW’S.
Samantala, pinayuhan ng OWWA ang mga OFW’s na mag-rehistro sa (quarantinecertificate.com) para malaman ang resulta ng kanilang mga tests.