Walang ipinatutupad na travel ban ang Saudi Arabia laban sa pagpasok ng mga manggagawang Filipino sa kanilang bansa.
Ito ang nilinaw ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kasunod ng ulat na ilang mga bago at balik manggagawang Pinoy ang hinarang at hindi pinayang makapasok sa Saudi Arabia.
Ayon kay OWWA Administrator Hans Cacdac, tanging mga dayuhang pilgrim at turistang galing sa mga lugar na may kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang hindi pinapayagang makapasok sa nabanggit na bansa.
Dagdag ni Cacdac, tuloy-tuloy ang maayos na ugnayan at relasyon ng Saudi Arabia at Pilipinas.
Sa katunayan aniya, dumating sa Pilipinas ang mga kinatawan ng ministry of labor ng Saudi Arabia noong nakaraang linggo para talakayin ang mga ipinatutupad na hakbang laban sa pagkalat ng COVID-19.