Papanagutin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang recruitment agencies ng halos 300 Overseas Filipino Worker (OFW) na na stranded sa Metro Manila sa gitna na rin ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sinasabing ang mga apektadong indibidwal ay nagtungo sa NAIA terminal 2 nuong miyerkules matapos makatanggap ng mensahe hinggil sa chartered flights na sasakyan nila pauwi sa kanilang mga probinsiya subalit hindi natuloy kaya’t sa airport na lamang nagpagabi ang mga ito.
Ayon kay OWWA Chief Hans Cacdac nagtungo siya sa airport at nalaman niyang ang mga nasabing indibidwal ay nag-aapply pa lamang pa abroad at na stranded habang nagpo proseso ng kanilang requirements sa Metro Manila.
Sinabi ni Cacdac na binigyan na nila ng pagkain ang mga nasabing indibidwal at tutulungan nila ang mga ito para ligtas na makabalik sa kanilang mga probinsya.
Kinuha na aniya nila ang pangalan ng mga ito maging ang kanilang recruitment agencies na papanagutin nila dahil iniwan ang mga nasabing aplikante kahit pa sila ang gumastos sa ticket ng mga ito mula Mindanao pa Maynila.