Pinangangambahang ma-bankrupt ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa susunod na taon kapag nagtuluy-tuloy pa ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ipinabatid ito ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac sa kanyang pagharap sa hearing ng senate committee on labor dahil posible aniyang wala nang P1-bilyon ang matira sa trust fund ng ahensya sa pagtatapos ng 2021.
Sinabi pa ni Cacdac na mahigit sa P19-bilyon ang pera ng OWWA sa pagsisimula ng taon subalit napakalaki na ng nabawas dahil sa assistance na ibinibigay sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nawalan ng trabaho o kaya ay na-istranded sa ibang bansa.
Bumagsak na rin anya ng mahigit sa 46% ang koleksyon ng ahensya kaya’t hindi na ito halos nadadagdagan.
Ayon kay Cacdac, simula lamang noong ika-15 ng Marso ay mahigit na sa P1-bilyon ang nagamit ng ahensya para sa pagkain, accommodation, shelter, at transportation assistance sa mga OFWs.
Inihayag ni Cacdac na malaking bahagi nito ang nagamit sa mga hotels na nagsilbing quarantine area para sa mga umuwing OFWs at sa mga susunod na araw ay kailangan na rin nilang maglabas ng pondo para sa cash subsidy at scholarship ng mga anak ng mga OFWs na nawalan ng trabaho.