Pinag-aaralan na ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA kung saan-saan pang bansa dapat magpatupad ng deployment ban.
Ayon kay OWWA Administrator Hans Cacdac, kinukumpleto na nila ang mga datos at iba pang impormasyon bago magsumite ng rekomendasyon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.
Matatandaan na sinabi ng Pangulong Rodrigo Duterte na handa syang ipatupad sa iba pang mga bansa ang deployment ban na ipinatupad niya sa Kuwait.
Una nang ibinunyag ni Cacdac na umabot sa 196 na OFW ang namatay sa Kuwait sa nagdaang tatlong taon, 22 dito ay dahil sa di umano’y suicide o murder.
“Minamanmanan natin ang sitwasyon ayon din sa anunsyo ni Pangulong Duterte na kailangang tingnan din ang ibang bansa at sa ngayon ay meron tayong pagsusuri at may magiging rekomendasyon tayo kay DOLE Secretary Bello kung anong gagawin natin sa ibang bansa.” Pahayag ni Cacdac
(Ratsada Balita Interview)