Kumpiyansa ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na kakayanin nila at ng iba pang ahensiya ng pamahalaan ang isang linggong ultimatum ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaugnay ito ng pagpapauwi sa probinsiya ng libu-libong mga OFW’s na naistranded sa Metro Manila dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, malaki ang tiwala nilang matatapos nila ang kautusan ng pangulo sa tulong na rin ng Department of Transportation (DOTr).
Sinabi ni Cacdac, nasa siyam na sweeper flights ang naka-schedule na mag-uwi sa mga OFW’s sa kanilang mga tahanan, maliban pa sa naka-standby na limang barko at mga bus sa Parañaque Intergrated Transport Exchange (PITX).
Dagdag ni Cacdac, sakaling may pribadong sasakyan naman ang pamilya ng OFW at nakatira lamang malapit sa Metro Manila, maaari silang sunduin ng kanilang mga kaanak.
Tiniyak naman ng opisyal na bibigyan ng digital copy ng certificate to authorities ang mga OFW’s.