Sinadyang patayin sina Ozamiz City Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog, asawa nitong si Susan, kapatid na sina Mona at Board Misamis Occidental Provincial Board Member Octavio Parojinog Jr.
Ito ang iginiit ng isang lalaking nakaligtas sa isinagawang raid ng mga pulis sa compound ng mga Parojinog, noong Linggo ng madaling araw.
Batay sa isang cellphone video, isang lalaking duguan at gumagapang palabas ng bahay ng mga Parajinog ang sumisigaw kaya’t nakatawag pansin sa atensyon ng mga rescuer.
Ayon kay alyas Cesar, nakaligtas siya dahil nagpanggap siyang patay at ipinahid sa kanyang katawan ang dugo ng alkalde.
Dakong alas 2:20 anya ng madaling araw nang makarinig sila ng mga putok ng baril sa loob ng compound ng mga Parojinog kaya’t agad silang pumunta habang nagpumilit lamang na pumasok ang kapatid ng alkalde na si Octavio.
Pagdating sa bahay ni Mayor Aldong ay inipon at pinadapa sila habang tinutukan ng mga pulis ng baril ang alkalde pero humarang si Octavio kaya’t ito ang tinamaan ng dalawang beses pero ang ikatlong putok ay tumama na kanyang kapatid na agad din nitong ikinasawi.
Matapos nito ay umalis ang mga pulis pero bumalik din at hinagisan sila ng granada kaya’t nasira ang bubong ng bahay ng alkalde.