Patay si Ozamiz City Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog at misis nitong si Susan sa isinagawang drug raid ng PNP o Philippine National Police kaninang alas-2:30 ng madaling araw.
Ayon kay region 10 spokesman Police Supt. Lemuel Gonda, patay din ang anim na iba sa madugong drug raid ng pinagsanib na pwersa ng CIDG 10, Misamis Occidental Police Provincial Office at ng Misamis Occidental Police.
Nanlaban umano si Parojinog makaraang magpaputok ng baril ang kanyang kampo na naging dahilan para manlaban ang mga pulis.
Nakumpiska ng mga awtoridad sa nasabing operasyon ang tatlong rocket propelled grenade launchers, dalawang hand grenades, walong bala ng m79 at isang m79 riffle, shabu paraphernalia aluminum foils, sealers, lighter, at methamphetamine crystals.
Vice mayor ng Ozamiz, arestado
Arestado ang vice mayor ng Ozamis City na si Nova Parojinog Echaves sa ikinasang drug raid ng PNP sa San Roque Lawis.
Nadakip si Echaves makaraan ang madugong raid na nagresulta sa pagkasawi ng apat na miyembro ng BPAT o Barangay Peace Action Teams.
Kinilala ang mga namatay na sina Miguel del Victoria, Nestor Cabalan, Daniel D. Vasquez at isa pang ‘di tukoy na BPAT.
Nakumpiska naman ng mga tauhan ng PNP ang ilang firearms at shabu sa lugar kung saan nadakip ang vice mayor.
Si Echaves ay napabalitang may koneksyon sa bilibid drug lord na si Herbert Colanggo.
By Meann Tanbio | Ulat ni Jonathan Andal (Patrol 31)