Hindi kumbinsido ang ilang Senador sa pahayag ng National Economic Development Authority na sapat na ang 10,000 Peso budget kada buwan ng limang miyembro ng bawat pamilyang Filipino.
Hinamon ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang NEDA na bawasan ang kanilang sweldo sa loob ng tatlung buwan at subukang pagkasyahin ang 10,000 Pesos kada buwan sa loob ng tatlong buwan at tiyak na magbabago ang kanilang kalkulasyon.
Hindi naman mabatid ni Senator Francis “Chiz” Escudero kung anong planeta ang tinutukoy ng NEDA at tiyak na hindi ito sa Metro Manila o sa Pilipinas.
Samantala, inihayag ni Senador Panfilo Lacson na magkakasya lamang ang 10,000 Pesos kung isang beses kakain ang kanyang pamilya kada araw, hindi na magsisipilyo at maglalakad na lang patungong trabaho.
dapat na rin anyang itigil na ng kanyang asawa ang panonood ng paborito nitong telenovela dahil ibebenta niya ang kanilang TV set at hihilingin sa mga anak na itapon na lamang ang kanilang cellphone upang hindi na bumili o magpapasa ng load at higit sa lahat ay magkakasya lamang ang 10,000 Pesos kung hindi na sila hihinga.