Mararamdaman na sa susunod na buwan ang mas mataas na singil sa kuryente ng Manila Electric Company o MERALCO kasunod ng pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.
Ayon kay MERALCO Spokesman Joe Zaldarriaga, nasa P0.76 na sentimo ang posibleng itaas ng singil sa kuryente dahil sa coal tax na nakapaloob sa TRAIN Law habang P0.07 ang inaasahang dagdag sa transmission charge.
Dahil dito, aabot sa P15.52 ang madaragdag sa singil ng mga komukonsumo ng 200 kilowatt per hour.
Batay sa TRAIN Law, itinaas sa P50 kada metriko tonelada ang coal tax mula sa P10 at madaragdagan pa hanggang sa 2020.
Presyo ng karne posible ring tumaas dahil sa TRAIN
Posibleng tumaas rin ang presyo ng mga karne ng baboy, manok at baka kasunod ng pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.
Ayon kay Meat Importers and Traders Association o MITA President Jess Cham, malaking factor sa paggalaw ng presyo ng karne ang posibleng pagtaas sa transport rate o pagbiyahe sa mga pamilihan.
Paliwanag ni Cham maipapasa sa mga mamimili ang posibleng dagdag gastos sa pag-deliver ng mga karne dulot namang ng excise tax sa langis.
Bukod pa rito, makakaapekto rin aniya sa meat industry ang dagdag singil sa kuryente dahil umaasa ito sa cold storage facilities.
Gayunman nilinaw ni Cham na masyado pang maaga para matukoy ang magiging lubos na epekto ng TRAIN Law sa industriya.
—-