Aabot sa P1.1-B ang halaga ng shabu na nakumpiska sa isang Chinese national at kasamahan nitong pinoy matapos ikasa ang buy-bust operation sa isang bodega sa Valenzuela City.
Kinilala ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dalawang suspek na sina Tianzhu Lyu ng Fujian, China at Meliza Villanueva ng Concepcion, Tarlac na parehong high value targets ng ahensya.
Ayon sa mga otoridad, aabot sa 160 kilo ng shabu ang nakuha sa dalawang suspek sa kahabaan ng JP Rizal St., Arty Subdivision sa Barangay Karuhatan, Valenzuela City, dakong alas-3:30 kahapon.
Kabilang din sa nakumpiska ng Anti-narcotics teams ang Identification cards at tatlong cellular phones.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong Violation of Sections 5 at 11 Article II ng Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —sa panulat ni Angelica Doctolero