Tinatayang aabot sa 1.2 bilyong halaga ng iligal na droga ang nasabat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa nakalipas na limang buwan.
Sinasabing ito’y sa gitna na rin ng mas pinaigting pang war on drugs ng Phil. National Police sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Pahayag ni NCRPO Director, Police Major Gen. Vicente Danao Jr., aabot sa 4,618 ang ikinasang anti-illegal drugs mula Nobyembre 11, 2020 hanggang Abril 15, 2021 kung saan ay nasa 7, 941 ang bilang ng mga naaresto.
Kabilang naman sa mga nasabat ang may 175 kilo ng hinihinalang shabu, 329 kilo ng marijuana, gayundin ang nasa 884 tableta at 300 ml ng liquid ecstacy.
Kasabay nito, pinapurihan ni Danao ang mga pulis na nasa likod ng mga nasabing operasyon kasabay ng pagtitiyak sa publiko na sa anumang panahon at pagkakataon ay may mga operasyon na isinasagawa ang Team NCRPO tungo sa tahimik, payapa at drug-free na Metro Manila. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)