Ibinalik na ng French pharmaceutical company na Sanofi Pasteur ang halos 1.2 bilyong pisong halaga ng hindi nagamit na vials ng dengue vaccine na dengvaxia.
Ito ang kinumpirma ni Health Secretary Fransisco Duque III sa kanyang pagharap sa mga magulang ng mga batang binakunahan ng dengvaxia sa Pampanga, kanina.
Gayunman, nilinaw ni Duque na hindi ito nangangahulugang tapos na ang issue at hindi pa rin ligtas ang Sanofi sa kaso.
Ito’y dahil kung may ebidensiya o patunay na may itinagong mahalagang impormasyon na nakapagbago sana ng desisyon na isagawa ang dengvaxia program ay titiyakin nilang may mananagot.
Magugunitang inihayag ng Sanofi Pasteur na dininig nito ang hirit ng Department of Health o DOH na i-reimburse ang ginastos ng gobyerno para sa hindi nagamit na vials.
—-