Nasabat ng mga otoridad ang aabot sa P1.2 M na halaga ng shabu mula sa isang Drug dealer sa karagatang sakop ng Navotas City.
Ayon sa mga tauhan ng Navotas City Police Station, nagsagawa sila ng operasyon matapos makatanggap ng report mula sa isang concerned citizen tungkol sa iligal na gawain ng suspek.
Nabatid na naglalako umano ng iligal na droga ang suspek na kinilalang si Rudy Las Piñas, 40-anyos gamit ang kaniyang bangka sa nasabing lugar kung saan, isang under cover na pulis ang nagpanggap na bibili ng P1,000 halaga ng shabu.
Nang tanggapin ng suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang inaresto ng mga operatiba.
Narekober sa suspek ang tinatayang nasa 174 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P1-M, isang caliber .32 pistol na may magazine at kargado ng anim na bala, digital weighing scale, mobile phone, maliit na notebook, itim na timba, buy bust money, P1,500 cash at ang maliit na bangka na gamit umano sa pagbebenta ng illegal droga.
Paglabag sa R.A. 9165 o comprehensive dangerous drugs act of 2002 at R.A.10592 o ang Comprehensive law on firearms and ammunition act in relation to Omnibus Election Code ang isinampang kaso laban kay Las Piñas. —sa panulat ni Angelica Doctolero