Halos P1 billion na halaga ng tulong pinansyal, serbisyo, loan assistance, at subsidies ang ipinamahagi ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga magsasaka at mangingisdang apektado ng El Niño sa Palawan at Marinduque.
Batay sa ulat, umabot sa P60 million ang ibinigay na ayuda sa Palawan, habang P39.13 million naman sa Marinduque.
Mula mismo sa Office of the President, nakatanggap ng tig-P10,000 ang ilang magsasaka, mangingisda, at pamilyang nasalanta ng matinding tagtuyot.
Bukod pa rito ang tig-P10,000 na nakuha ng higit 6,000 benepisyaryo ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Naglaan naman ng P20 million na pondo ang Agriculture Credit Policy Council (ACPC) ng Department of Agriculture (DA) para sa Survival and Recovery Program; habang P30 million para sa kanilang Agri-Negosyo Loan Program.
Sama-sama ring nagpaabot ang National Irrigation Administration (NIA), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at Department of the Interior and Local Government (DILG) ng iba’t ibang tulong at serbisyo para sa mga mamamayan ng MIMAROPA.