Ipinag-utos na ni Bureau of Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa apat na rice shipments na ibinagsak sa Port of Iloilo mula Vietnam.
Ito’y makaraang makatanggap si Ruiz ng mga ulat na mismong mga BOC official sa Iloilo ang nagbigay basbas upang i-diskarga ang nasa 38,400 metric tons ng bigas simula noong August 4 hanggang 13.
Nagkakahalaga ang nasabing kargamento ng P1 billion na lulan ng 20 cargo vessels.
Ayon kay Ruiz, nakikipag-ugnayan na ang Aduwana sa iba’t ibang stakeholders na nakatutok sa inspeksyon ng mga shipment, gaya ng Bureau of Plant Industry (BPI) ng Department of Agriculture.
Itinanggi naman ni BOC-Port of Iloilo District Collector Ciriaco Ugay ang alegasyon ng Rice Smuggling sa Iloilo Port dahil wala umanong “history” nang pagpupuslit ng bigas sa nasabing pantalan.
Nilinaw din ng BOC-Collection District 6 na mayroong mga clearance at permit ang kinukwestyong kargamento mula sa BPI alinsunod sa Rice Tariffication Law.