Humirit ng dagdag singil sa pasahe ang grupong Philippine Confederation of Drivers and Operators—Alliance of Concerned Transport Organizations o PCDO-ACTO bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel.
Ayon kay PCDO-ACTO President Efren de Luna, mula sa umiiral ngayong walong pisong (P8) minimum fare ay isinusulong nila itong gawing siyam na piso (P9).
Aniya, halos wala nang kitain ang mga driver dahil bukod sa mataas na presyo ng diesel ay mahal na rin ang piyesa ng sasakyan at mabagal pa ang pag-ikot sa pasada bunsod ng matinding trapiko.
Nakatakdang ihain ng grupo ang petisyon sa dagdag singil sa pasahe sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB sa susunod na linggo.
Samantala, pinag-aaralan na ng LTRFB ang hirit na dagdag pasahe ng ilang transport groups.
Ayon sa LTFRB, kanilang isasalang agad ang naturang petisyon upang makapagsagawa ng pagdinig.
By Rianne Briones