Pinamamadali na ng Department of Health (DOH) ang pagbibigay ng sickness at death benefits sa mga “eligible” health workers at iba pa sa pampubliko at pribadong health facilities habang tumutugon sa COVID-19 pandemic.
Bahagi ito ng mahigit 1 billion pesos na pondong inilabas ng Department of Budget and Management (DBM) na sasaklaw simula January 1, 2022 hanggang matapos ang public health emergency.
Kabilang sa makikinabang ang mga tinamaan ng mild to moderate COVID-19 na tatanggap ng 15,000 pesos; severe to critical COVID-19, 100,000 at mga naulila ng mga namatay sa COVID-19, 1 million pesos.
Ito, ayon kay Health Secretary Francisco Duque, III, ay bilang pagtanaw ng utang na loob at suporta sa mga health care worker na nag-alay ng buhay sa bawat Pinoy sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa ilalim ng Joint Circular 2022-0002 ng DOH, sasaklawin ang parehong medical at health allied personnel ng pagbibigay ng direktang healthcare sa pasyente at pwede rin ito sa mga technical, administrative at support staff sa health facilities.