Papatawan ng isang milyong pisong multa ng DTI o Department of Trade and Industry ang mga establisyementong mapatutunayang hindi sumusunod sa itinakda nilang suggested retail price o mga nagmamanipula sa presyo ng mga bilihin.
Ayon sa DTI, batay sa ginawa nilang monitoring, nasa walumpu’t limang (85) produkto ang nakitaan nila ng pagtaas sa presyo.
Agad naman anilang naibalik ang orihinal na halaga ng pitumput pitong (77) produkto mula sa naunang nabanggit na halaga matapos silang mag-isyu ng LOI o letters of inquiry.
Kasunod nito, aabot na sa isandaan at dalawampung (120) establisyemento ang binabantayan ng DTI kada araw.
Tiniyak naman ng DTI na mas paiigtingin pa nila ang kanilang pag-monitor sa mga presyo ng mga produkto sa pamilihan matapos na ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat pasok sa SRP ang halaga ng mga pangunahing bilihin.
—-