Umabot na sa 1.6 million pesos ang reward money para sa makapagbibigay ng impormasyon sa mga salarin sa brutal na pagpatay sa isang dalagita sa Lapu-Lapu City.
Ito ay matapos na ihayag ni Lapu-Lapu City Mayor Paz Radaza na handa siyang magbigay ng isang milyong piso sa sinumang magbibigay ng impormasyon sa pagkakakilanlan at lokasyon ng mga suspek sa krimen.
Ipinag-utos din ng alkalde sa Lapu-Lapu City Police ang mabilis na pagresolba sa naturang kaso.
Bago ito ay nag-alok na ng reward money ang PNP Police Regional Office 7 ng isang daang libong piso (P100,000) habang limang daang libong piso (P500,000) naman mula sa isang dating sundalo mula sa Eastern Visayas.
Sa huling ulat ng pulisya, natukoy na ang tatlong mga suspek sa krimen ngunit tumanggi ang mga ito na magbigay ng karagdagang detalye.
Medico Legal
Ibinulgar ng Medico Legal Officer na sumuri sa namatay na dalagita sa Lapu-Lapu city na hindi lamang ito basta binalatan ng mukha.
Ayon kay Medico Legal Officer Dr. Benjamin Lara, natuklasan niyang nawawala ang ilang internal organ ng biktima tulad ng dila, esophagus at trachea.
Aniya, naging maingat at metikuloso ang ginawang pagbalat sa ulo ng biktima hanggang sa kanyang bungo na posibleng inabot ng ilang oras.
Posible aniyang ginawa ito ng mga salarin upang mapatagal ang pagkilala sa biktima.
Taliwas naman sa naunang ulat na hinalay ang biktima, sinabi ni Lara na walang bagong vaginal laceration ang biktima kaya posibleng hindi ito ginahasa.
Samantala, walang shoot to kill order sa mga salarin sa brutal na pagpatay sa dalagita.
Ayon kay Lapu-Lapu City Police Office Director Senior Inspector limuel obon, nais nilang buhay na maaresto ang mga suspek.
Aniya, sa ngayon ay tinutugis pa nila ang pangunahing suspek at dalawang hinihinalang kasabwat sa naging krimen.
Tumanggi si Obon na pangalanan ang main suspect ngunit sinabing ito ang lalaking huling nakapalitan ng mensahe ng dalagita.
Legal assistance inalok para panagutin ang mga nasa likod ng Lapu-Lapu City brutal slay case
Nag-alok ng legal assistance ang IBP Cebu Chapter para panagutin ang mga nasa likod nang pagpaslang sa isang dalaga sa Lapu-Lapu City.
Kasunod na rin ito nang pag kundena ng IBP Cebu sa pagpaslang kay Christine Silawan at tinawag nila ang insidente bilang “act of pure evil”.
Sinabi ng IBP Cebu na dapat maging vigilant ang lahat laban sa mga panganib sa mga kabataan.
Hiniling din ng IBP Cebu sa mga otoridad ang agarang paghuli sa mga responsable sa pagpaslang kay Silawin at nanawagan sa mga testigo na lumantad na para mapabilis ang pag resolba sa kaso. - Judith Estrada-Larino
—-