Nag-alok ng P1-M pabuya ang Philippine Military Academy (PMA) “Matikas” Class of 1983 para sa sinumang makapagtuturo sa mga pumaslang sa kanilang mistah na si Atty. Wesley Barayuga.
Sa inilabas na kalatas ng grupo, sinabi nito na layunin nilang makatulong sa binuong special investigation task group para sa mabilis na ikalulutas ng kaso ng pagpatay kay Barayuga tatlong buwan na ang nakalipas.
Si Barayuga ay ang corporate secretary ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na binaril ng mga nakamotorsiklong salarin sa panulukan ng mga kalye calbayog at malinaw sa brgy. Highway hills, lungsod ng Mandaluyong noong Hulyo 30.
Sinasabing tinik umano si Barayuga na isang dating pulis sa operasyon ng jueteng sa Central Luzon gayundin ng Masiao sa Visayas nang manungkulan ito sa PCSO.
Bago naupo si Barayuga sa PCSO, nagsilbi muna siyang hepe ng directorate for logistics ng Philippine National Police (PNP) bago magretiro noong 2014.
Kabilang sa mga mistah ni Barayuga sa PMA Matikas Class of 1983 sina DILG Sec. Eduardo Año at Presidential Peace Adviser Sec. Carlito Galvez na kapwa nagsilbi ring chief of staff ng Armed Forces of the Philippines.