Dapat ipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa iba pang mga pinakamahihirap na pamilya at vulnerable sectors na apektadong COVID-19 pandemic ang natirang pondo ng social amelioration program (SAP).
Ito ang iginiit ng Malakanyang matapos mabatid na mayroong P10-B pondo ng SAP ang hindi na naipamigay ng kagawaran.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ipinagkaloob ng kongreso ang naturang pondo kaya nararapat lamang na maibigay ang kabuuan nito sa mga pamilyang hindi pa nakatatanggap ng second tranche.
Una rito sinabi ng DSWD na plano nilang gamitin ang nalalabing P10-B pondo ng SAP sa ibang programa tulad ng livelihood assistance sa mahigit 600,000 pamilya.
Batay sa datos ng DSWD, umaabot sa P99.9-B ang kanilang naipamahaging tulong pinansiya sa 17.9 million na pamilya para sa unang tranche ng SAP mula Abril hanggang Hunyo.
Habang P83.1-B lamang mula sa kabuuang P94.5-B na alokasyon para sa second tranche ng SAP ang naipamahagi sa 13.92 million na benepisyaryo.
Paliwanag ng DSWD, ito ay dahil nabawasan ng apat na milyong pamilyang benepisyaryo ang ikalawang trancge ng SAP dahil sa nadobleng pagbibigay ng ayuda.