Nakumpiska ng Manila City Veterinary Inspection Board at Special Mayor’s Reaction Team ang umaabot sa P10-milyong halaga ng mga karneng hinihinalang nagmula ng China.
Tinatayang tumitimbang ng mahigit 10-tonelada ang mga nasabat na kahon-kahong duck meat at sausage sa isang warehouse sa Balut, Tondo.
Bagama’t hindi pa matukoy ang pinagmulan ng mga nakumpiskang karne dahil walang kinauukulang dokumento ang mga ito, makikita naman ang mga Chinese characters sa tatak ng mga kahon at packaging ng mga ito.
Ayon naman kay Manila City Mayor Isko Moreno, nadiskubre ang warehouse matapos nilang makatanggap ng impormasyon hinggil sa mga nakapasok na karneng walang kinauukulang dokumento.
Isa rin aniya sa mga sasakyang pinagkargahan ng mga nasabat na karne ay katulad ng sasakyang nakita sa sinalakay na warehouse sa Navotas City kung saan nadiskubre rin ang mga poultry products galing ibang bansa.