Binatikos ng isang mambabatas ang inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbigay ng P10-milyong pabuya para sa sinumang makakadiskubre ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay ACT Teachers Representative France Castro, dapat na ilaan na lamang ng pamahalaan ang milyun-milyong piso bilang pondo sa public health programs at research and development, at ang pagtulong sa mga pangangailangan ng mga siyantipiko sa kanilang pag-aaral na makabuo ng bakuna.
Dagdag pa ng mambabatas, patuloy lang na ginagamit ng pangulo ang military solutions nito laban sa lumalalang krisis dahil aniya sa kapabayaan ng gobyerno.
Samantala, sinabi rin ni Castro na labis na naapektuhan ang isyu ng pagtugon ng kalusugan sa bansa at ang mga pasilidad nito makaraang gawin ang mga pagtatapyas sa pondo ng mga kagawarang makatutulong sa agarang pagresolba ng krisis dulot ng COVID-19 pandemic.