Pinag-aaralan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB kung dapat nang gawing permanente ang P10 rollback sa flagdown rate sa taxi.
Ang pahayag ay ginawa ni LTFRB Chairman Winston Ginez sa gitna ng sunod-sunod na pagbaba sa presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Ginez na sa tingin nila ay hinihintay lamang ng mga operator na humirit ng tapyas sa flagdown rate ang grupo ng mga commuter.
Subalit nilinaw ni Ginez na ikinu-konsidera rin nila ang reklamo ng mga taxi driver na matinding trapik dahilan upang humingi ang mga ito ng dagdag na bayad sa ‘waiting time’.
“Meron nga din po silang petisyon doon sa tinatawag nilang waiting time, gusto po nilang dagdagan ng P1 yung namamayaning P3.50 pong yun na patak ng metro every 2 minutes ng waiting time, so yan po ay kinokunsidera natin at tinitignan natin kung yan nga ba ang sagot sa lagi nilang inirereklamo, ang traffic.” Pahayag ni Ginez.
By Jelbert Perdez | Balitang Todong Lakas