Inihihirit ng isang labor group ang P100.00 omento sa minimum wage ng mga manggagawa sa buong bansa.
Ayon sa kay Christian Lloyd Magsoy, defend jobs philippines spokesperson, dapat lamang na taasan ng isang daang piso ang arawang sahod ng mga mangagawa hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa iba pang mga probinsya.
Ito ay dahil batay na rin aniya sa inilabas na datos ng pamahalaan, umaabot sa P100.00 ang nawawala sa purchasing power o aktuwal na halaga ng kasalukuyang minimum wage sa NCR na P537.00.
Dagdag ni Magsoy, maging ang mga sumusuweldo ng across the board ay makatuwiran ding bigyan ng omento lalu na’t patuloy pa rin ang pagtaas sa presyo ng mga bilihin at pamasahe.
Samantala, sinabi ng Defend Jobs Philippines na bagama’t kanilang sinusuportahan ang isinusulong na wage subsidy ng Department of Labor and Employment (DOLE), kinakailangan pa ring igiit ang taas-sahod.
Paliwanag ni Magsoy, hindi sapat ang wage subsidy dahil meron lamang itong timeframe o panahon ng implementasyon alinsunod sa deklarasyon ng pandemiya.