Nilinaw ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na “very isolated case” lamang ang nag – viral na post ng isang netizen sa social media na larawan ng P100.00 bill na walang mukha ni dating Pangulong Manuel Roxas.
Ayon sa netizen na si Earla Anne Yehey, naganap ang insidente matapos siyang mag – withdraw sa isang ATM machine sa branch ng Bank of the Philippine Islands (BPI) sa Eastwood, Quezon City nitong Pasko.
Mapapansin din sa larawan na may mga nabura sa ilang parte ng P100.00 bill.
Ayon kay BSP Governor Nestor Espenilla, iniimbestigahan na nila ito at wala pa namang naitatalang kahalintulad ng naturang insidente sa iba pang bangko.
Samantala, tiniyak din ng BPI na nakikipagtulungan na sila sa BSP at kanila nang tinututukan ang reklamo ni Earla.