Aprubado na ng Malakanyang ang P1,000.00 dagdag sa pensyon sa may dalawang milyong retiradong miyembro ng SSS o Social Security System.
Ito’y matapos lagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang isang memorandum hinggil sa pagpapalabas ng P1,000.00 pension increase na retroactive mula Enero ng kasalukuyang taon.
Ang nasabing memo ay naka-address kina Chairman ng Social Security Commission at SSS President Emmanuel Dooc.
Sa panayam nina Jun del Rosario at Mariboy Ysibido ng programang “Balita Na Serbisyo Pa” ng DWIZ, sinabi ni SSS Chairman Amado Valdez na ang naturang retroactive na dagadag P1,000.00 SSS pension ay matatanggap na sa susunod na buwan.
Matatanggap na sa Marso 3 ang karagdagang pension para sa nakalipas na buwang Enero, sa Marso 10 naman ang para sa buwan ng Pebrero, sa Marso 17 naman matatanggap ang para sa Marso at isasabay na sa regular na pension ang para sa Abril.
Kabilang sa mga makatatanggap ng pension hike ang mga kwalipikadong SSS retirees, survivors at permanently disabled pensioners.
Samantala, sinabi ni Valdez na wala pa umano silang napapag-usapan kaugnay sa dagdag kontribusyon ng mga miyembro ng ahensya at kanila ring ipapaalam sa ito sa publiko oras na mapag desisyunan.
By Meann Tanbio / Race Perez |With Report from Aileen Taliping
Credits: "Balita Na Serbisyo Pa" programa ng DWIZ kasama sina Jun del Rosario at Mariboy Ysibido mapapakinggan tuwing Lunes hanggang Biyernes, 5:00 PM - 7:00 PM