Aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isanlibong pisong (P1,000) umento sa pensyon ng mga retiradong miyembro ng Social Security System o SSS.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, inaprubahan ito ng Pangulo bilang bahagi ng kanyang kontrata sa taumbayan.
Nais din aniya ng Pangulo na tugunan din ang pangangailangan ng mga Pilipino partikular ng mga senior citizens na naglaan ng kanilang lakas at panahon sa paglilingkod.
Gayunman, nilinaw ni Abella na hindi magbibigay ng subsidy ang pamahalaan para sa dagdag pensyon dahil ayaw ng Pangulo na gamitin ang pondo ng bayan dahil private pension fund aniya ang SSS.
Contribution increase
Nilinaw ng Social Security System o SSS na may kaakibat na umento sa buwanang kontribusyon ang inaprubahang dagdag pension.
Ayon kay SSS President Emmanuel Dooc, aabot sa 1.5 percent ang magiging dagdag sa buwanang kontribusyon ng mga kasalukuyang miyembro na magiging epektibo sa Mayo ng taong kasalukuyan.
Dahil dito, magiging 12.5 percent ang itataas sa buwanang kontribusyon mula sa dating 11 percent ngunit posible rin aniyang tumaas ito ng hanggang 17 percent sa mga susunod na taon.
Epektibo ang dagdag na isanlibong (P1,000) pensyon ngayong taon habang posibleng sa 2019 naman ibibigay ang karagdagang isanlibong (P1,000) piso kung makakamit ang kanilang target na koleksyon.
By Jaymark Dagala | Aileen Taliping (Patrol 23)