Umapela sa pamahalaan ang grupo ng mga nurse sa bansa na pagkalooban ng P100,000 sickness benefit ang lahat ng healthcare workers sa halip na iyong mga ikinukunsiderang may malala nang kondisyon.
Ayon kay Filipino Nurses United President Maristela Abenojar, nagsumite na sila ng kanilang apela sa Department of Health (DOH) ngunit hindi pa nakatatanggap hanggang ngayon ng sagot.
Giit ni Abenojar, hindi lang dapat maging pamantayan sa pagkakaloob ng benepisyo ang pagkakaroon ng malalang kaso ng isang health worker.
Aniya, mabilis ang development ng sakit kung saan mula sa “mild” ang nararamdaman ay nagpo-progress agad ito patungong “severe”.
Ani Abenojar, hindi patas na pili lamang ang bibigyan ng kompensasyon dahil sa panganib na kanila ring hinaharap.