Naglatag na ng isandaang libong pisong (P100,000) pabuya ang pamahalaang lokal ng San Jose del Monte Bulacan para sa sinumang may impormasyon sa kasong pag-masaker sa lima (5) kataong miyembro ng pamilya Carlos.
Ayon kay Supt. Fitz Macariola, Officer in Charge ng San Jose del Monte PNP, wala pa silang suspect sa kasalukuyan subalit naimbitahan na nila para sa imbestigasyon ang lahat ng may access sa bahay ng mga Carlos.
Sa ngayon anya ay naka-focus ang kanilang imbestigasyon sa motibong rape, batay na rin sa pahayag ng padre de pamilya na posibleng may nagkakagusto sa kanyang asawa.
Una rito, natagpuang patay ni Dexter Carlos ang asawang si Estrella, mga anak na sina Donnie, Ella at Dexter gayundin ang biyenan niyang si Auring Dizon sa loob ng kanilang tahanan.
Hinihinalang ginahasa muna si Estrella at ang nanay nitong si Auring dahil natagpuan silang walang saplot sa ibabang parte ng kanilang katawan.
“Isa lang ang binabanggit niya na posibleng merong nagkagusto sa kanyang misis at ang unang motibo ay rape, ayon sa kanya posibleng nadamay lang ang kanyang pamilya kasama ang mga anak dahil sa kanyang pagtataya itong suspek ay kilala ng kanyang mga anak. Wala pa po tayo sa anggulo ng pagnanakaw, yung sitwasyon sa loob ng bahay batay sa ating obserbasyon ay wala pong ginalaw kahit na ano.” Pahayag ni Macariola
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)
P100K reward alok para sa ikalulutas ng ‘Bulacan massacre’ was last modified: June 28th, 2017 by DWIZ 882