Ni-reject ng mga awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang umano’y P10 milyong suhol mula sa isang Japanese national na inaresto dahil sa kasong human trafficking.
Ayon sa report, unang nag-alok ng P1 milyong pisong suhol ang Hapon na si Akio Watanabe matapos harangin sa departure area ng Immigration.
Isinailalim sa interogasyon si Watanabe dahil sa pagbiyahe nitong kasama ang isang menor de edad na babae na hinihinalang biktima ng human trafficking.
Na-detect na gumamit ng pekeng passport ang menor de edad at natuklasan ang mga totoong school ID nito.
Idinagdag na ang unang alok na P1 milyon ay lumobo hanggang sa P10 milyong suhol para makalabas lang ng bansa patungong Japan si Watanabe.
Ngunit hindi nagpatinag dito ang mga airport authorities bagkus ay iti-nurn over ang kaso sa NBI.
Sa ngayon ay nahaharap sa mga kasong human trafficking at falsification of public documents ang suspek.
Inaalam pa ang lawak ng operasyon ng nasabing Japanese national sa bansa.
Samantala, naghayag naman pasasalamat si Airport Manager Ed Monreal sa lahat ng airport law enforcers na nagpakita ng kanilang dedikasyon sa trabaho sa kabila ng inialok na suhol.
“Change has come, I salute my fellow workers at the airport”. Pahayag ni Monreal.
(Details from Raoul Esperas / Patrol 45)