Arestado ang dalawang high value target matapos makuhanan ng mahigit 11 milyong pisong halaga ng hinihinalang shabu sa magkahiwalay na operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa Central Visayas.
Kinilala ang mga suspek na sina Mark Dexter Fernandez na nahuli sa Sitio Tubod, Barangay Candulawan, Talisay City, Cebu at si Pendathon Azes na naaresto sa Purok Katubhan, Barangay Bajumpandan, Dumaguete City.
Ayon kay Police Regional Office Director, Brigadier General Roque Eduardo Vega, nasamsam kay Fernandez ang anim na pack at dalawampung sachet ng nasabing iligal na droga na may bigat na higit isang kilo o katumbas ng mahigit anim punto siyam na milyong piso, marked money, green tea bag at backpack.
Nakuha naman kay Azes ang 700 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na mahigit apat punto pitong milyong piso at dalawang bag.
Samantala, sinabi ni Vega na naisumite na sa Provincial Crime Laboratory Office ang mga nakumpisang ebidensya para sa eksaminasyon. -sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9) at sa panulat ni Airiam Sancho