Narekober ng mga awtoridad ang nasa labing isang (11) milyong pisong halaga ng shabu mula sa isang 61-anyos na babae sa Cebu City.
Kinilala itong si Dorotea Moyes, tubong Quezon Province at may hawak na Australian passport na dumating lamang sa Cebu City noong Miyerkules.
Paliwanag ni Moyes, magkikita sana sila ng kanyang dayuhang boyfriend na kanyang nakilala sa internet pero bigla aniya nito nag-cancel at pinaki-usapan na lamang siyang dalhin sa Osaka Japan ang isang bag na naglalaman ng laptop ng employer umano nito.
Pumayag si Moyes at nakipagkita siya sa dalawang lalaki noong Sabado kung saan iniabot sa kanya ang isang bag at 100 dollars na gagamiting pocket money.
Nang buksan niya ang bag, nakita niya ang sirang laptop at may nakasingit na kahina-hinalang package kaya agad siyang humingi ng tulong sa pamunuan ng kanyang tinutuluyang hotel at nakumpirmang droga ang laman nito.
Sinabi naman ni Fuente Cebu Police Deputy Chief Inspector Greg Ybiernes, posibleng nabiktima ng sindikato si Moyes.
Gayunman, hindi pa rin ito lusot at ipaghaharap pa rin sa kasong kriminal habang patuloy ang imbestigasyon para matukoy kung saan nagmula ang droga.
—-