Sabi nga sa kasabihan, “Money can’t buy happiness.”
Ngunit ayon sa consumer website na Expensivity, kailangan kumita ng mga Pilipino ng P110,000 kada buwan upang tuluyang maging masaya.
Gamit ang datos mula sa pag-aaral ng Purdue University, kinalkula ng Expensivity ang price of happiness ng bawat bansa. Dito napag-alamang kailangang kumita ng isang pamilyang Pilipino ng tinatayang P1.3 million kada taon upang maging kuntento sa buhay.
Nakalulula ba? Mababa pa ito kumpara sa “price of happiness” ng ibang bansa.
Para sa mga Pilipino, tumutukoy ang kaligayahan sa pagkakaroon ng kumpleto at malusog na pamilya, mga tunay na kaibigan, at hangarin sa buhay. Hindi nabibili ang mga ito ng anumang presyo.
Ngunit hindi ba mahirap ding sumaya kung namomroblema tayo sa gastusin natin sa pang araw-araw?
Hindi man natin kailangang magkaroon ng P110,000 upang maging maligaya, hindi maikakailang malaki ang maitutulong ng pera upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan natin.
Sa kabila nito, hindi pera ang tanging pinagmumulan ng tunay na kaligayahan, dahil ang tunay na kaligayahan ay hindi nasusukat ng anumang halaga. Nanggagaling ito sa mga tao at gawaing nagbibigay ng walang katulad na kasiyahan sa ating mga puso at isipan.