Aabot sa P113 Million ang pondong nagastos ng Office of the Vice President sa 2020 bugdet nito para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic batay sa ulat ng Commission on Audit o COA.
Sa nasabing halaga, pinaka malaking napaglaanan ng pondo na nagkakahalaga ng P68 Million ay napunta para sa pagbili ng personal protective equipment, COVID-19 testing kits, respirators at ventilators na naging donasyon sa mga ospital at indibidwal.
Nagastos naman ang P15.5 Million sa tulong sa mga lokal na pamahalaan gaya ng molecular laboratory equipment, ayuda sa mga tricycle drivers sa Lanao Del Sur at konstruksyon ng RT-PCR laboratory.
Gumastos din ang tanggapan ng bise presidente ng P13 Million para sa libreng shuttle services at dormitories para sa mga frontliners, Cebu City COVID-19 operations, tulong sa mga locally stranded individuals, pagkain para sa mga volunteer at staff, rental fee sa mga bus para sa LSI, travel expenses para sa COVID-19 operations, delivery, pag-biyahe ng mga PPE at relief items at dagdag na workforce para sa COVID-19 operations.
Ayon sa State Auditors, ang P113 Million sa 2020 budget ng OVP ay nagastos bilang tugon umano sa deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na State of Public Emergency dahil sa hinaharap na COVID-19 pandemic ng bansa.