Binalaan ng Commission on Audit o COA ang National Irrigation Administration o NIA sa paggamit nito ng mga hindi naibalik na pondo mula sa Disbursement Acceleration Program o DAP na nagkakahalaga ng P117 milyong piso.
Sa annual report ng COA, sinasabing nakalaan ang nasabing pondo para sa dalawang proyekto ng NIA na hindi naibalik sa National Treasury sa kabila ng kanilang abiso.
Partikular na tinutukoy ng COA ang Umayam River Irrigation Project sa Davao gayundin ang Casecnan Multi-Purpose Irrigation Power Project sa Rizal, Nueva Ecija.
Kalahating bilyong piso ang nagastos sa nasabing mga proyekto kaya’t dapat ibalik sa national treasury ang mga sumobrang pondo alinsunod na rin sa itinatakda ng batas.
Magugunitang idineklarang unconstitutional o labag sa batas ng Korte Suprema ang DAP noong isang taon na naglalayon sanang pabilisin ang pagpapatupad ng mga proyekto bilang bahagi ng pagpapalago sa ekonomiya.
By Jaymark Dagala