Aabot sa P12-B halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Infanta, Quezon.
Sa report ng mga tauhan ng Quezon Provincial Police at National Bureau of Investigation, naharang sa checkpoint ang tatlong puting van sa bahagi ng national highway sa Barangay Comon Road.
Dito na narekober sa sampung suspek ang ilang bloke ng umano’y high-value na shabu sa mga selyadong sako na may markang Chinese.
Base sa imbestigasyon, ang nasabing sako ay naglalaman ng 600 Chinese teabags na may bigat na aabot sa 1.5 metric tons.
Ayon kay NBI Special Agent Omar Orille, ang mga nakumpiskang iligal na droga ay mula pa umano sa Alabat Island, Quezon at dadalin sana sa Polilio Island sakay ng yate at bangka.
Sa pahayag naman ni NBI Director Eric Distor, sangkot umano ang mga suspek sa isang international operation batay sa kanilang dalang kagamitan.
Dinala na NBI Main Office sa Maynila ang mga nasabat na iligal na droga para isailalim sa forensic examination habang ilalagay naman sa inquest proceedings ang mga naarestong suspek. —sa panulat ni Angelica Doctolero