Inaresto ang tatlong (3) lalaki at isang babae ng mga tauhan ng Ninoy Aquino International Airport Inter Agency Drug Interdiction Task Group dahil sa droga na galing sa bansang Mexico.
Ang mga suspek ay nag-claim umano ng kahon sa isang cargo office sa NAIA na naglalaman ng aabot sa dalawang (2) kilong hinihinalang shabu.
Tinatayang nagkakahalaga ng labindalawa (12) hanggang sa labinlimang (15) milyong piso ang droga na nakasilid sa dalawampu’t apat (24) na PVC pipe at nakapaloob sa mga tubo ng construction sealant.
Ayon kay Marjuvel Bautista, deputy commander ng NAIA-IADITG, dumating ang kahon noong July 9 mula sa Santa Rosa, Mexico at naka-address para sa isang James Corpus.
Idinagdag pa ng mga awtoridad, patunay ang pinagmulan ng nasabat na droga na pumapasok na ang Mexican drug cartel sa bansa.
Kinilala ang mga kumuha ng kahon na si Casan Raig, Alnar Pundato Sultan, Jamal Tantao at Isnairah Pundato.
Ayon kay Raig, may hawak ng authorization para kay Corpus na sinabihan lamang sila na kuhanin ang kahon ngunit hindi sinabi kung ano ang laman nito.
Kakasuhan ang mga nahuli ng importation of illegal drugs sa ilalim ng Section 4 ng Anti-Illegal Drugs Act.
By Arianne Palma
Photo Credit: Raoul Esperas (Patrol 45)