Hihilingin ng transport group na Pasang Masda ang itaas sa P12.00 ang minimum fare sa mga pampasaherong jeepney.
Kasunod ito ng inaasahang pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Ayon kay Pasang Masda President Obet Martin, magiging mabigat sa mga tsuper ang magiging epekto ng ipapataw na mas mataas na excise tax sa diesel.
Magkakaroon din aniya ng domino effect ang TRAIN Law sa presyo ng mga bilihin kabilang ang mga produktong petrolyo.
Sinabi pa ni Martin na maghahain sila ng addendum sa susunod na linggo para sa nauna nang petisyong gawing P10.00 ang kasalukuyang P8.00 na minimum fare sa jeepney.
Iginiit ni Martin na kulang pa ito kaya’t kailangan pang dagdagan ng P2.00 at gawing P12.00 ang minimum fare sa jeepney lalo’t inaasahang tataas ng P2.50 kada litro ang diesel ngayong taon dahil sa TRAIN Law.