Tinatayang P123,000 na halaga ng ipinagbabawal na droga ang nasabat ng mga awtoridad mula sa isang drug suspect sa ikinasang operasyon sa J. 22nd Ave., Barangay East Rembo, Makati City kagabi.
Kinilala Southern Police District Acting Director PCol. Kirby John Kraft ang suspek na si Mark Anthony Malinao, alyas Tagle, 24 taong gulang, at nakatira sa nasabing lugar.
Bukod sa P500 na buy-bust money, nakumpiska rin sa operasyon ang P15,000 na halaga ng marijuana at hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga naman ng P108,800.
Mahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Samantala, pinuri naman ni National Capital Region Police Office Acting Regional Director BGen. Jonnel Estomo ang matagumpay na operasyon na bahagi aniya ng hangarin ng Philippine National Police na magkaroon ng kapayapaan at kaayusan sa bansa partikular na sa mga barangay.
Matatandaang binuhay ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang “MKK=K” framework kung saan nakapaloob dito ang malasakit, kaayusan, kapayapaan, at kaunlaran.