Pinatatanggal ni Senador Panfilo Lacson ang P135-B na pondo para sa aniya’y redundant at skeleton projects sa 2021 national budget.
Sa halip sinabi ni Lacson na maaaring magamit ang mga nasabing pondo para maayos ang internet infrastructure ng bansa.
Ayon kay Lacson hirap na hirap ang Department of Finance na maghanap ng mauutangan gayong may pondo na dapat ilaan sa mga aniya’y hindi natapos na multipurpose halls sa iba’t-ibang probinsya bagamat una nang pinondohan ng buwis ng taumbayan nuong mga nakalipas na taon.
Malinaw aniyang nagpapaloko ang mga Pilipino sa mga proyektong pino-pondohan ng milyon-milyong piso subalit hindi pa rin natatapos.
Tinukoy ni Lacson ang bypass road sa Cagayan De Oro na hindi pa natatapos kahit na pinondohan ng P1.37-B simula pa noong 2015.
Ipinakita pa ni Lacson ang litrato ng nasabing imprastruktura na sinimulang ayusin ng January 2019 subalit hindi pa natatapos hanggang nitong October kung saan ito ay papuntang bundok at nakaplano ang tunnel subalit hindi ito nagawa bagamat pinondohan.
Kinontra ni Lacson ang mga komentong vital infrastructure ang mga naturang multipurpose buildings at maaaring magamit bilang evacuation center o quarantine facilities dahil may hiwalay na pondo ang mga ito sa 2021 budget.