Nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) ang nasa P15-milyong halaga ng sigarilyo, gamot at iba pang mga ari-arian sa isang storage facility sa Paco, Manila.
Ayon sa BOC, bigong magpakita ng kaukulang mga dokumento para sa mga naturang kagamitan ang mga caretakers nito nang mag-inspeksyon ang Customs Intelligence and Investigation Service and Enforcement and Security Service at Manila International Container Port, katuwang ang Philippine Coast Guard noong nakaraang linggo.
Kasama rin sa mga nakumpiska ng Customs ay mga alak, cell phone, cell phone accessories, power banks at ilang food items sa naturang pasilidad.
Posible namang maharap ang mga namamahala nito sa kasong paglabag sa Section 1400 ng RA No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act.