Posibleng umabot ng hanggang 150 bilyong piso ang pondong kakailanganin para sa rehabilitasyon ng Marawi City.
Ito ay batay sa assessment ng Office of the Civil Defense o OCD at Department of National Defense o DND sa naging pinsala ng mahigit apat na buwang bakbakan sa naturang lungsod.
Ayon kay OCD Assistant Secretary Toby Purisima, tagapagsalita ng Task Force Bangon Marawi, hinihintay na lamang nila ang go signal ng militar upang mapasok ang mga apektadong lugar partikular na ang main battle area.
Paliwanag ni Purisima, tatlong hakbang ang kanilang naiisip na gawin para sa muling pagbangon ng lungsod.
Una aniya rito ay ayusin ang mga nasirang tirahan o gibain ang lahat ng mga gusali at magtayo ng bagong siyudad at sa huli ay ilipat ang nasabing lungsod.
Ngunit para kay Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM assemblyman Zia Alonto Adiong, kailangang konsultahin muna ang mga residente sa mga gagawing hakbang dahil mahalaga aniyang matanggap nila ang mga mangyayaring pagbabago.
—-