Naglaan ng nagkakahalagang P150-M pondo ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng San Juan para sa mga indibidwal na makararanas ng ‘adverse effects’ ng bakuna laban kontra COVID-19.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, handang gamitin ng lokal na pamahalaan ang kanilang P150-M bilang medical assistance sa mga taong makararanas ng side effects ng naturang bakuna.
Nilinaw ni Mayor Zamora na hindi lamang para sa COVID-19 ang naturang pondo kundi ito ay ginagamit din para sa mga medical assistance.
Samantala, nakapagtala ang lungsod ng San Juan ng pinakamataas na bilang ng mga residente na nais magpabakuna kontra COVID-19.
Pinuri ng Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) Team ang lokal na pamahalaan dahil umabot na sa 19,494 o 19% ng populasyon sa lungsod ang nagparehistro para mabakunahan. Ito ang pinakamataas na bilang ng mga nagparehistro sa bakuna sa buong Metro Manila.